At dumating na ako sa puntong kinatatakutan ko. Tinatamad na akong tapusin ang sinimulan ko. Wala na akong ganang ipagpatuloy ang Graduate School.
Shoot! Nakakainis talaga. Noong una, excited na excited talaga ako. As in makikipagpatayan ako para lang matanggap at makapag-aral ulit. Pero ewan ko ba, tinamad na ako ngayon nang hindi pa natatapos ang semester. Nawawalan na ako ng gana. Nawawala na ang drive ko pumasok kada Sabado. Oo, alam kong pangit ang mag-quit pero hindi ko na alam ang dapat kong gawin.
I have my reasons for having this feeling, na parang naguguluhan at nalilito kung magpapatuloy. Hindi naman basta-basta lang naisip kong tigilan e.
(Una) Ang Puyat. Ang hirap ng sitwasyon ko ha, na panggabi ang pasok. Papasok ako ng opisina ng alas-9 ng gabi, deretso na hanggang pagpasok ko ng eskwelahan ng alas-6 ng umaga kinabukasan at buong araw akong gising at nilalabanan ang antok hanggang alas-5 ng hapon. Makikipagpambuno pa ako sa LRT-MRT pauwi at makikipag-gitgitan sa mga pauwing estudyante. Minsan, nagugulat na lang ako kung paano ako nakakauwi sa sobrang antok.
(Pangalawa) Suspension. Madalas, walang pasok. Wala na akong halos natututunan sa BioPhar [una kong subject kada Sabado]. Tapos maka-cut ang klase dahil me activity biglaan. Tapos biglang wala na din klase sa maghapon. Nakaka-frustrate. Minsan na lang sa isang linggo ang klase, mawawala pa. Nakakainis diba.
(Pangatlo) Pera. Minsan, papasok akong wala akong panlunch. Kaya maiisip ko na lang di na lang pumasok kesa umattend ng gutom at inaantok.
(Pang-apat) Tambak na trabaho. Ngarag na ako. Period.
(Pang-lima) At ang pinaka-ultimate sa lahat, Kawalan ng Drive na Maging Guro. Sa simula pa naman, kaya ako nag-MS eh dahil gusto kong magturo. Nandun yung mismong rason ko kaya gusto ko mag-aral muli. Dahil iyon ang gusto kong tahaking landas bilang isang Pharmacist. Pero dahil kasama ko ay mga guro na at sila mismo ang nasa karerang ito, nakakarinig ako ng kwento. Mga kwentong alam kong di ko kakayaning sikmurain dahil mababa lang ang self-containment ko sa mga ganung bagay. Narealize ko na ang mga guro talaga ang mga taong pinaka-may malakas na loob. Sabi ng isang kaklase ko, siya, binigay na niya lahat para di lang bumagsak ang mga estudyante nya, kulang na lang ibigay niya pati mismo ipapa-exam nya, meron at meron pa din babagsak at sa kanya pa din babagsak ang sisi. Ang sakit, parang nakakapanlumo na sumapit ako sa ganun. Isa pang kwento ay ang isa kong katrabaho na naging guro na din ng iba pang mga bago kong katrabaho noong sila'y nag-aaral pa. Parang andami pa din reklamo at nakikitang mali ng iba sa kahit sinong guro nila. Hindi nga naman talaga mapi-please ang lahat ng tao pero hindi ko ata kaya ang tumanggap ng mga masasakit na puna mula sa iba.
Hindi ko na alam ang gagawin ko sa ngayon. Isa sa mga kaklase ko ang alam ko'y magda-drop na ng isang subject. At napapaisip na din akong gayahin na. Pero blangko na ako. Nalulungkot ako pero natutuwa. Dahil kahit paano'y bumalik naman ang sigla ko sa trabaho buhat ng nakatanggap ako ng parangal at pagkilala noong nakaraang anibersaryo ng departamento namin. Performance Award ang natanggap ko. Kinilala ang kasipagan ko at dedikasyon sa trabaho. Ansaya diba. Naisip ko na din ang magsimula ng babuyan. Magpapaalaga ako ng baboy at ako ang magpi-finance ng gastusin. Gusto kong magnegosyo na at hindi na mag-guro. Magsisimula na din akong magturo sa mga bago kong katrabaho. Trainer na ako! Hahaha. Ansaya lang ng feeling na may 'silbi' na at kahit paano'y may 'seniority' na ang dating ko sa trabaho.
Sana gabayan ako sa kung saan ako nararapat. Pinanghihinaan na talaga ako ng loob. Gusto ko na lang iiyak pero kanino ko naman maaaring ibahagi ang nararamdaman ko na alam kong makakaintindi sa akin?
Lord, kung saan ako nauukol, doon mo ako ituro. Amen.