Thursday, 11 October 2012

Kating Hindi Mawala Wala

Nangangati ang paa ko. Hindi dahil sa inanihan ng kung anong fungus ang katawan ko. Metaphor lang yun. Nangangati ang paa ko at gusto kong magpakalayo-layo. Sabi ko, sa bawat buwan ng taong ito ay dapat me gala ako. Magpapakalayu-layo ng ilang araw at magpapakapagod at gagastos ng pera. Wala lang. Kala mo ang yaman e no. Kung maka-gastos ng pera e ganun-ganun na lang. Oe ano naman. Sa simpleng sabi, ang perang ginagastos ko ay pinaghihirapan ko, o mas dapat ko atang sabihing pinagpupuyatan ko dahil panggabi ang trabaho ko.

Balik tayo sa kati ng paa ko. Umaalis ako sa madaming dahilan. Dati, nung drama-dramahan pa ako sa ex-boyfriend ko (sa ibang post ko na ikukwento yun), umaalis ako at babalikan ang mga lugar na dati naming pinupuntahan. Gusto ko lang ulit namnamin yung mga panahong magkasama kaming dalawa sa lugar na wala kaming kilala. Dumating din yung time na umaalis ako dahil malungkot na ako sa trabaho. Para kasing umabot na ako sa punto na parang alam ko na ang mga dapat kong malaman. Stagnant na kumbaga. Pero evetually, hindi pa din pala (at sa ibang post ko na lang din yun ikukwento). Syempre naman, di palaging puro emo lang. Umaalis ako dahil gusto kong magsaya naman. Mag-enjoy lang ng walang iniisip na iba.

Nabuhay ako sa pamilyang hindi nagse-celebrate ng FAMILY DAY. Hindi din ako pamilyar sa mga katagang FAMILY BONDING noong kabataan ko. Siguro, dahil wala dito ang tatay ko para sabihing kumpleto kami sa mga okasyong ganito. O siguro ayaw lang ng nanay kong makaramdam ang tatay ko ng inggit at lungkot pag nakita niyang sama-sama kaming nagsasaya pero wala siya. Naiinggit ako sa mga kaklase ko noon na nagpapakita ng family pictures nila sa Baguio o sa Ilocos o kahit sa Enchanted Kingdom lang. E kasi, nagkakaroon lang kami ng tsansang magkasama sa picture ng nanay ko pag may kasal sa isang kamag-anak o may patay na dinadaluhan. Yun lang ang alam naming family affair noon. Noong high school naman, nauso ang ayaan ng mga kaibigan. At dahil masamang salita para sa nanay ko ang salitang 'lakwatsa', pag may lakaran na ganun e hindi nya ako pinapayagan. So, pag di nya ako pinayagan, malamang, walang pera. Kaya dumating ako sa puntong gumagawa na ako ng assignment ng iba para lang may maipangtustos sa mga swimming at malling noong mga panahong iyon. Di bale ng tumakas ako at pagalitan, saka ko na lang iisipin ang tsinelas ni mama pag-uwi ko.

Doon ko naisip at ipinangako sa sarili ko na pag dumating ang panahong nagtatrabaho at kumikita na ako ng pera, hindi ko uuhawin ang sarili ko sa lakwatsa. Lilibutin ko ang Pilipinas. Oo, Pilipinas lang ang target ko sa ngayon. Saka na ang abroad, mag-iipon muna ako ng ingles para cool pag nakikipag-usap sa Singaporeang tindero na makakasalamuha ko. 

Dapat daw iniipon ko na lang ang perang ginagastos ko. Nagagalit na nga mga magulang ko e. HAHAHA. Pero gusto ko lang talagang lumibot ng bansa habang kinakanta ang Overdrive ng Eraserheads. Ansarap din minsan maligaw sa isang lugar at hindi nangangambang di na makakauwi, kumain ng mga pagkaing hindi mo pa natitikman at makarinig ng mga diyalektong hindi mo naman naiintindihan pero pilit mong iniintindi.

Sana, dumating ang panahong hindi ko na poproblemahin ang perang gagastusin ko. Basta larga lang ng larga. Libutin lang ang gustong libutin. Kainin ang gustong kainin. At magpakapagod lang ng magpakapagod sa byahe hanggang gusto ko.

Sama ka. :D Just text me. Lol.

No comments:

Post a Comment